Pormal na iprinoklama nitong Martes, Mayo 10, 2022, ng Municipal Board of Canvassers (MBC) ang mga nanalo sa lokal na halalan

Pormal na iprinoklama nitong Martes, Mayo 10, 2022, ng Municipal Board of Canvassers (MBC) ang mga nanalo sa lokal na halalan ilang oras matapos maitala ang lahat ng mga boto mula sa iba’t ibang presinto ng Bacnotan, La Union.

Inihayag ni Local Election Officer at MBC Chairperson, Estrella Reybuenan, ang pagkapanalo nina Divina Fontanilla at Francisco Angelito Fontanilla bilang Mayor at Bise Mayor ng bayan. Pareho silang walang katunggali nitong halalan.

Idineklara din ng MBC ang panalo bilang Sangguniang Bayan Members sina Michael Fontanilla, Jane Alminiana-Gonzales, Edijer Valmonte, Tomas Joaquin Ortega, Olga Cua-Panelo, Florante Abad, Franklin Almodovar at Federico Corpuz.

Sina Acting Municipal Treasurer Felisa Valdehueza at Principal Gemma Bassig ang kasama ni Reybuenan na bumuo ng MBC. Ang canvassing ay ginanap sa People’s Hall sa munisipyo ng Bacnotan.

Nagpasalamat naman si Mayor-elect Divina Fontanilla sa lahat ng sumuporta sa kanilang grupo. Aniya, susuklian nila ang tiwala ng mga mamamayan ng tapat at sapat na serbisyo.

Pinasalamatan din ni Vice Mayor-elect Francis Fontanilla ang mga guro, PNP at BFP personnel, MDRRM, MHO/HRH, volunteers, watchers, mga barangay tanod at lahat ng tumulong kaya naging mapayapa ang halalan sa iba’t ibang presinto sa buong bayan.